Olongapo Telecom & Information Technology

Saturday, September 02, 2006

Cell phones puwedeng ‘mag-hudas’

AKSYON NGAYON Ni Al G. Peroche
Ang Pilipino STAR Ngayon

NO kidding. Kung may itinatago kang sikreto huwag mo itong isusulat sa cell phone at baka "mag-hudas" sa iyo at ibulgar ang pinakakatagu-tago mong lihim.

Halimbawa, kung negosyante ka at mayroong trade secrets, huwag mo itong ipadadala through text kahit sa pinagkakatiwalaan mong business partner.

Kung ikaw ‘y chickboy, iwasan mong mag-text ng lovenotes sa iyong (mga) girlfriend kung ayaw mong mabuking ng iyong misis. For that matter, huwag magsusulat at mag-iimbak ng ano mang sikreto sa iyong CP.

Kahit binura mo na sa iyong inbox, mayroong special software na puwedeng i-download from the internet para mapalutang muli ang ano mang erased messages.

Marami pa namang mahilig mag-trade-in ng kanilang CP o kaya’y ipamigay yung mga luma, para makabili ng mas modelong unit. Okay lang siguro sa mga ordinaryong pipol na hindi pagkakainteresang halungkatin ang buhay. Pero kung ikaw ay isang kontrobersyal na politiko o kaya’y showbiz personality, kuwidaw. Baka ang pinagbentahan o pinagbigyan mo ng iyong CP ay palutangin ang mga mensaheng inaakala mong nabura na. Baka pati yung wildest sexual fantasies mo ay mabuking.

Ang Trust Digitel, isang kompanya sa Virginia, USA ay nagsagawa ng eksperimento para sa binubuo nitong security tool para sa mga CP. Bumili ito ng maraming lumang cellphones at matagumpay na nabuhay ang mga nabura nang mensahe. Ultimo yung mga love messages ay napalutang nila na ang katumbas ay 27,000 pahinang printouts na may walong talampakan ang taas.

Iba na talaga ang teknolohiya. Pataas nang pataas. Balang araw, kahit kaunting galaw ng bawat tao’y hindi na maikakaila sa pagsulpot ng mga high-tech gadgets. Baka may kung ano’ng ipainom sa iyo na mayroon palang microscophic radar na magiging bahagi ng katawan para ma-monitor ang bawat aktibidad ng tao.

Ito nga lang National ID System ay kinatatakutan na natin eh...tsk, tsk.